Ipinadala ang nasa ibaba ng Save RIPADA (Ricarte, Palaris, Dagohoy) at Area 11 Movement. Ang RIPADA at Area 11 ay mga maralitang komunidad sa loob ng UP.
PLANONG DEMOLISYON NG RIPADA AT AREA 11 TUTULAN, LABANAN
BUKAS NA LIHAM SA KOMUNIDAD NG UP
Abril 20, 2007
Ibinalita na noong Marso 29, 2007, nagdesisyon ang Board of Regents na ipatupad ang planong demolisyon sa Ricarte, Palaris at Dagohoy (RIPADA) para sa umano’y pagpatupad ng pagpapalawak ng C5 na magdugtong sa Katipunan at Luzon Avenue.
Hangang sa ngayon, Abril 20, 2007, wala pang ibinahabahagi na kopya ng desisyon ng BOR sa mga apektadong mga komunidad. Pero nag-umpisa nang maramdaman ang presensya ng mga tauhan ng Metro Manila Development Authority sa mga komunidad na nagsasagawa ng mga pagsusukat.
Matinding pangamba at pagkabahala ang nararamdaman naming mga naninirahan sa RIPADA at Area 11 sa ganitong balita at presensya ng MMDA sa aming mga komunidad.
Lalo pang lumakas ang aming mga pangamba nang mapasakamay sa amin ang sulat ni Chancellor Sergio S. Cao sa kay Presidente Emerlinda Roman na may petsang Marso 27, 2007 na naglalaman ng resulta ng pakikipag-usap niya sa kay Bayani Fernando ng MMDA.
Ayon sa sulat:
“I requested Chairman Fernando to consider the following to “compensate” the University for the use of the area and to offset the displacement of these employees. This compensation can be in the form of employee welfare and campus development. These include:
a) MMDA to build housing for the displaced employees (Director Germar to submit to MMDA the specifications of the University’s walk-up housing);
b) MMDA to build sound barriers all the way to CP Garcia area and to build fencing for the campus from the corner of CP Garcia all the way to the area affected by the new C-5 development;
c) MMDA to remove informal settlers fronting the NIP area
d) MMDA to develop existing roads in the area that will be affected by the development (MMDA to coordinate this with the Barangay); and
e) MMDA to conduct census of the whole area (to include those that will not be affected or displaced). Result of the census to be included in the documentation to be given to UP.
Chairman Fernando had agreed in principle to the above forms of compensation.”
Sa aming binigyang diin sa itaas letra a at letra c, malinaw ang batayan ng aming mga pangamba. Para sa mga kawani ng mga UP, ang planong relokasyon ay housing na walk-up. Paano kakayanin ng mga kawani ang upa sa housing na walk-up na kahit mismo ang mga faculty ay namumrublema sa singil na P3,500 to P4,500 bawat buwan? Paano ang mga retiradong kawani ng UP na naninirahan sa RIPADA at ang mga hindi empleyado ng UP pero mga malinaw na matagal nang nakatira sa mga komunidad na ito at nagbibigay serbisyo bilang mga labandera, manininda at iba pa. Anong klaseng relokasyon ang inihahanda sa kanila? Tahimik ang UP tungkol sa mga tanong na ito.
Sa letra c, ginamit ng UP sa pamamagitan ni Chancellor Cao ang pagkakataong ito para makasangkapan pa ang MMDA sa demolisyon ng Area 11. Sa katunayan, nagpadala na ng sulat ang MMDA sa mga ninirahan sa Area 11 ng notisya sa pagdedemolis na may petsang Marso 30. Ibig sabihin, isang araw pagkatapos ng pulong ng BOR ay handa na ang MMDA sa demolisyon!
Sa kasunduan sa pagitan ni Cao at ni Bayani binigyan ng UP ng basbas ang MMDA sa ora-oradang planong demolisyon. Alam ba ng UP kung gaano kabangis at walang habag ang pagwawasak ng mga tauhan ng MMDA sa mga komunidad ng mga maralitang taga-lungsod?
Malaking palaisipan din para sa amin kung bakit biglang nabago ang planong ekspansyon ng C5. Sa dating plano sa aming pagkaalam, ang paglawak ng C5 sa bandang Balara ay apektado ang magkabilang bahagi ng daan, sa bahagi ng UP at sa bahagi ng MWSS at Ayala. Ngunit sa sulat ni Bayani Fernando kay Chancellor Cao na may petsang Marso 9, 2007, naghapag ng bagong iskema si Fernando, ito ang planong pagpapalawak ng C5 ay maapektuhan lamang ang UP at hindi na ang MWSS at Ayala. Paano nangyari ito?
Matindi naming tinututulan ang mga ganitong mga kontra-mahirap na hakbang ng Administrasyong Roman at Chancellor Cao.
Ipinaabot namin ang ganitong pagtutol kay Vice Chancellor for Community Affairs Grace Gregorio sa mga pulong na ginanap sa Area 11 (Abril 17) at sa Ricarte (Abril 19) bunga ng aming paggigiit na harapin kami ng mga opisyal ng UP.
Aming pinapanghawakan ang mga sumusunod na resulta ng mga naturang usapan kay Vice Chancellor Gregorio:
1. Walang galawan, habang walang malinaw na mga plano at usapan kaugnay ng aming paninirahan.
2. Pananagutan ng administrasyon ng UP sa pamamagitan ni Vice Chancellor Gregorio ang lahat ng aksyon ng MMDA at titiyaking walang kapahamakang magaganap sa mga residente at mga komunidad
3. Patuloy ang usapan sa pagitan ng administrasyon ng UP at ng binuong Task Force ng mga residente, mga estudyante at ng All UP Workers Union para maligtas ang RIPADA at Area 11.
Nananawagan kami sa mga kapwa residente, mga guro, REPS, kawani at mga estudyante ng UP at iba pang mamamayan na makiisa para tutulan at labanan ang planong demolisyon ng RIPADA at ng Area 11.
SAVE RIPADA AND AREA 11 MOVEMENT